1 At sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “May isang lalaking mayaman na may isang tagapangasiwa at ito ay pinaratangan niya na nilulustay ang kaniyang mga ari-arian.2 At nang siya ay kaniyang ipinatawag, sinabi niya sa kaniya, ‘Ano itong naririnig ko patungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka sa iyong pagiging katiwala sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’3 “Ngunit sinabi ng tagapangasiwa sa kaniyang sarili, ‘Ano ang aking gagawin dahil inaalis na sa akin ng aking panginoon ang pagiging tagapangasiwa. Ang paghuhukay ay hindi ko makakaya at ang pamamalimos ay aking ikinahihiya.4 Alam ko kung ano ang aking gagawin upang kapag ako ay maaalis sa pagiging katiwala, ako ay matatanggap nila sa kanilang mga bahay.’5 “Kaya nang kaniyang tinawag ang bawat isang may utang sa kaniyang panginoon, sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’6 At sinabi niya, ‘Isandaang timba° ng langis ng olibo.’ Sinabi ng katiwala sa kaniya, ‘Tanggapin mo ang kasulatan ng utang mo at umupo ka kaagad at isulat mo, limampu.’7 Pagkatapos nito ay sinabi niya sa isa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sinabi rin niya, ‘Isandaang bariles° ng trigo.’ At sinabi sa kaniya ng katiwala, ‘Tanggapin mo ang kasulatan ng utang mo at isulat mo, walumpu.’8 At pinuri ng panginoon ang hindi matapat na tagapangasiwa sapagkat siya ay gumawa na may katusuhan dahil ang mga anak ng kapanahunang ito, sa sarili nilang lahi, ay higit na tuso kaysa sa mga anak ng liwanag.