28 At nang dumating siya sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaki na inaalihan ng mga demonyo. Sila ay mula sa mga libingan at sila ay lubhang mababangis, kung kaya walang sinuman ang may kakayahang dumaan sa daang iyon.29 At narito, sila ay sumigaw na nagsasabi, “Ano ito sa amin at sa iyo, Jesus, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang kami ay pahirapan bago dumating ang panahon?”30 Sa hindi kalayuan mula sa kanila ay may kawan ng maraming baboy na nanginginain.31 Kaya nagsumamo sa kaniya ang mga demonyo na nagsasabi, “Kung palalayasin mo kami, pahintulutan mo kaming pumaroon sa kawan ng mga baboy.”32 Kaya sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo.” At pagkalabas nila, sila ay pumasok sa kawan ng mga baboy, at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay tumakbong palusong sa bangin patungo sa dagat at ang mga ito ay namatay sa tubig.33 At ang mga tagapag-alaga niyaon ay tumakbo at nang sila ay nakarating sa lungsod, kanilang ipinamalita ang lahat maging ang mga nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo.34 Kaya narito, ang buong lungsod ay lumabas upang salubungin si Jesus. At nang siya ay nakita nila, sila ay nagsumamo na siya ay umalis mula sa mga hangganan ng kanilang lupain.