Maltalla asho
| Secondary Keywords | kasaysayan Ministeriö paglalakbay pahimakas Paul Roma Uusi uusi uusi |
|---|---|
| Mga Banal na Kasulatan | Gawa 28 |
Acts 281 Nang sila ay nakaligtas, noon nila nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta.2 At ang mga barbaro ang nagbigay sa amin ng hindi pangkaraniwang kabutihan sapagkat nang sila ay nagsiga, kaming lahat ay tinanggap nila dahil sa nagsimula na ang ulan at dahil sa ginaw.3 At nang si Pablo ay nakaipon ng isang bigkis ng tuyong panggatong at nailagay ito sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init at kumapit sa kaniyang kamay.4 At nang nakita ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, sinabi nila sa isa't isa, “Walang pag-aalinlangan na ang lalaking ito ay mamamatay-tao, na kahit siya ay nakatakas sa dagat, siya ay hindi pinahintulutan ng katarungan upang mabuhay.”5 Kaya nga, ipinagpag niya sa apoy ang makamandag na hayop at siya ay walang naramdamang masama.6 Ngunit sila ay naghintay na siya ay mamaga o mabuwal at biglang mamatay. Subalit pagkatapos ng kanilang matagal na paghihintay at wala silang nakitang masamang nangyari sa kaniya, nagbago ang kanilang isip at sinabi nila na siya ay isang diyos.7 At sa paligid ng dakong iyon ay may mga lupain ang pangulo ng pulo. Ang kaniyang pangalan ay Publio. Siya ang tumanggap sa amin at tatlong araw niya kaming pinatuloy na may kagandahang-loob.8 At nangyari na ang ama ni Publio ay nakaratay at pinahihirapan ng lagnat at ng disinterya. Pumasok si Pablo at nanalangin, habang nakapatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, siya ay kaniyang pinagaling.9 Kaya nang ito ay nangyari, ang iba ring may mga karamdaman na nasa pulo ay lumapit at sila ay pinagaling.10 Sila rin ay labis na nagparangal sa amin. At nang kami ay maglalayag na, ipinadala nila ang mga bagay na kinakailangan namin.11 Pagkatapos ng tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barkong nagmula sa Alexandria na nagpalipas ng taglamig sa pulo. Ang sagisag nito ay ang Magkakambal na Diyos.12 At nang dumaong kami sa Siracusa, kami ay nanatili roon ng tatlong araw.13 Sa aming paglibot mula roon, kami ay nakarating sa Regio, at pagkaraan ng isang araw ay umihip ang hangin mula sa timog. Nang ikalawang araw, kami ay pumunta sa Putiole.14 Nang nakatagpo kami ng mga kapatid doon, isinamo namin sa kanila na manatili kami ng pitong araw. At sa gayon, kami ay pumunta sa Roma.15 At mula roon, nang narinig ng mga kapatid ang mga bagay patungkol sa amin, sila ay lumabas upang salubungin kami kahit hanggang sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-panuluyan. Nang sila ay nakita ni Pablo, siya ay nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon siya ng lakas ng loob.16 Nang kami ay nakarating sa Roma, ibinigay ng senturion ang mga bilanggo sa pinunong kawal. Subalit si Pablo ay pinahintulutan na manatiling mag-isa kasama ang kawal na nagbabantay sa kaniya.17 At nangyari na pagkaraan ng tatlong araw, tinawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio upang magkatipon. At nang sila ay nagkatipon, sinabi niya sa kanila, “Mga ginoo at mga kapatid, ako ay walang ginawang anumang laban sa mga tao, o sa mga kaugalian ng mga ninuno. Ako ay bilanggong mula sa Jerusalem na ibinigay sa mga kamay ng mga mamamayan ng Roma.18 Nang ako ay nasiyasat nila, ako ay binalak nilang palayain sapagkat walang anumang dahilan na nasa akin na nararapat sa kamatayan.19 Ngunit nang ito ay tinutulan ng mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, hindi dahil sa mayroon akong anumang pagpaparatang laban sa aking bansa.20 Kaya dahil sa paratang na ito, ako ay nagsumamo upang kayo ay makita at makausap sapagkat alang-alang sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.”21 Ngunit sinabi nila sa kaniya, “Kami ay hindi tumanggap kahit sulat na galing sa Judea patungkol sa iyo, ni sinuman sa mga kapatid na dumating ang nagbalita o nagsalita ng anumang masama patungkol sa iyo.22 Ngunit ibinibilang naming mahalaga na marinig mula sa iyo kung ano ang iniisip mo sapagkat totoong alam namin na sa lahat ng dako ay sinasalungat ang pangkat na ito.”23 At nang sila ay nakapagtakda ng araw sa kaniya, marami ang pumaroon sa kaniyang tinutuluyan. Siya ay nagpaliwanag sa kanila sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa paghahari ng Diyos at sila ay hinihimok niya patungkol kay Jesus, mula sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta, magmula umaga hanggang sa gabi.24 Ang ilan ay naniwala nga sa mga bagay na sinasabi niya, ngunit ang ilan ay hindi naniwala.25 At dahil sila ay hindi nagkasundo sa isa't-isa, sila ay umalis pagkasabi ni Pablo ng isang pananalita, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu patungkol sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias,26 na sinasabi, ‘Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo, “Sa pakikinig ay makakarinig kayo ngunit hinding-hindi kayo makakaunawa, at sa pagmamasid ay magmamasid kayo ngunit hinding-hindi kayo makakatalos.27 Ito ay sapagkat kumapal ang puso ng mga taong ito, at pumurol sa pakikinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Kung hindi gayon, makakakita ang kanilang mga mata, makakarinig ang kanilang mga tainga, makakaunawa ang kanilang mga puso, at manunumbalik, at pagagalingin ko sila.” ’ Isa 6:9-1028 “Kaya ito ay dapat ninyong malaman na ang kaligtasan ng Diyos ay ipinadala sa mga Gentil at sila ay makikinig.”29 At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, umalis ang mga Judio na may malaking pagtatalo sa kanilang mga sarili.30 At si Pablo ay nanatili ng dalawang buong taon sa bahay na inuupahan niya at tinatanggap niya silang lahat na pumupunta sa kaniya.31 At ipinapangaral niya ang paghahari ng Diyos at itinuturo niya ang patungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangang hindi mahahadlangan. | |








