1 “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na hindi pumapasok sa pintuan ng kulungan ng mga tupa ngunit umaakyat sa ibang daan, siya ay magnanakaw at tulisan.2 Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay ang pastol ng mga tupa.3 Siya ay pinagbubuksan ng bantay-pintuan at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa kani-kanilang pangalan at sila ay inaakay niya sa paglabas.4 Kapag nailabas na niya ang kaniyang sariling mga tupa, siya ay naglalakad sa unahan nila at ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala na nila ang kaniyang tinig.5 Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayo sila sa kaniya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.”6 Ang talinghagang ito ay sinabi ni Jesus sa kanila ngunit hindi nila naunawaan kung anong mga bagay ang sinabi niya sa kanila.7 Kaya muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa.8 Ang lahat ng mga naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan subalit hindi sila dininig ng mga tupa.9 Ako ang pintuan. Ang sinumang makakapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas, at masusumpungan niya ang pastulan.10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban na siya ay makapagnakaw, makapatay at makapaminsala. Ako ay pumarito upang magkaroon sila ng buhay at magkaroon sila ng lubos na kasaganaan.11 “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay alang-alang sa mga tupa.12 Ngunit ang upahang lingkod at hindi pastol na hindi nagmamay-ari ng mga tupa, kapag nakikita niya na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong palayo. Kaya, ang mga tupa ay sinisila at ikinakalat ng lobo.13 Ang upahang lingkod ay tumatakbong palayo sapagkat siya ay upahang lingkod at hindi niya pinagmamalasakitan ang kalagayan ng mga tupa.14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at nakikilala nila ako,15 kung paanong ako ay kilala ng Ama at kilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking buhay alang-alang sa mga tupa.16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawan na ito at sila rin ay dapat kong akayin. Diringgin nila ang aking tinig at magiging isang kawan at isang pastol.
Psalm 23
1 Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.2 Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan,3 Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran alangalang sa kaniyang pangalan.4 Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka't ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.