1 Ngunit si Saulo, na nag-aalab sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon, ay pumaroon sa pinakapunong saserdote.2 Humiling siya ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung matagpuan niya ang sinumang mga lalaki at mga babaing kaanib sa Daan, sila ay madala niyang nakagapos patungo sa Jerusalem.3 At sa kaniyang paglalakbay, nang papalapit na siya sa Damasco, biglang nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit.4 Bumagsak siya sa lupa at narinig ang tinig na nagsasabi sa kaniya, “Saulo, Saulo, bakit mo ako pinagmamalupitan?”5 At sinabi niya, “Sino ka Panginoon?” At sinabi ng Panginoon, “Ako si Jesus na iyong pinagmamalupitan. Mahirap para sa iyo ang tumadyak sa mga pantusok.”