9 “Kung paanong inibig ako ng Ama ay inibig ko rin kayo. Manatili kayo sa aking pag-ibig.10 Kung matupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.11 “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay manatili sa inyo at upang ang inyong kagalakan ay malubos.12 Ito ang aking utos upang mag-ibigan kayo sa isa't isa kagaya ng pag-ibig ko sa inyo.13 Walang sinumang nagtataglay ng pag-ibig na higit pa sa pag-ibig na ito, na may isang nag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.14 Kayo ay aking mga kaibigan kung nagagawa ninyo ang anumang iniuutos ko sa inyo.15 Mula ngayon, hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Sa halip ay tinawag ko na kayong mga kaibigan sapagkat lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay aking ipinaalam sa inyo.16 Hindi ninyo ako hinirang ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo upang kayo ay humayo at mamunga, at ang inyong bunga ay manatili upang anumang bagay ang inyong hihilingin sa aking Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo upang kayo ay mag-ibigan sa isa't isa.