36 At isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay makasamang kumain at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay umupo sa hapag.37 At narito, may isang babaing makasalanan na nasa lungsod na iyon. Nang nalaman niya na si Jesus ay umupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, siya ay nagdala ng pabango na nasa sisidlang alabastro.38 At siya ay tumayong nananaghoy sa likuran ng paanan ni Jesus. At sinimulan niyang basain ng mga luha ang mga paa ni Jesus at pinupunasan niya ang mga ito ng kaniyang buhok at magiliw niyang hinahalikan ang mga paa ni Jesus at pinapahiran ang mga ito ng pabango.39 Ngunit nang nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus, sinabi niya sa kaniyang sarili, “Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uring babae ang humahawak sa kaniya sapagkat ang babaing ito ay makasalanan.”40 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Simon, may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo° at ang isa ay limampu.42 At dahil wala silang maibayad, sila ay kaniyang pinatawad. Sabihin mo, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa kaniya?”43 Sumagot si Simon at kaniyang sinabi, “Sa palagay ko ay yaong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong inihatol.”44 At nang siya ay lumingon sa babae, sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa.45 Hindi mo ako binigyan ng halik, ngunit ang babaing ito ay hindi humihinto sa paghalik sa aking mga paa mula nang ako ay pumasok.46 Hindi mo pinahiran ng langis ng olibo ang aking ulo, ngunit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa.47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo, Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig nang lubos. Subalit ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.”48 At sinabi niya sa babae, “Ang mga kasalanan mo ay pinatawad na.”49 At ang mga kasama niyang nakaupo sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili, “Sino ito na nagpapatawad din ng mga kasalanan?”50 Kaya sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa.”