28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio, ngunit maaga pa noon kaya hindi sila pumasok sa Pretorio nang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Araw ng Paglagpas.29 Kaya lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?”30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Kung hindi salarin ang taong ito, hindi na sana namin siya ibinigay sa iyo.”31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.” Sinabi nga ng mga pinuno ng mga Judio sa kaniya, “Wala kaming karapatang pumatay ng sinuman.”32 Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang kaniyang ipahayag kung sa anong paraan ng kamatayan siya ay mamamatay.33 Pumasok ngang muli si Pilato sa Pretorio, tinawag si Jesus at sinabi sa kaniya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”34 Sumagot sa kaniya si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?”35 Sumagot si Pilato, “Ako ba ay isang Judio? Dinala ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga punong saserdote. Ano ba ang ginawa mo?”36 Sumagot si Jesus, “Ang aking paghahari ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay mula sa sanlibutang ito, makikipaglaban sana ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ngayon ang aking paghahari ay hindi rito nagmula.”37 Kaya nga sinabi ni Pilato sa kaniya, “Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabi na ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at sa dahilang ito ay pumarito ako sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.”38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Pagkasabi niya nito, muli siyang pumunta sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakikita ni isang kasalanan sa kaniya.39 Ngunit kayo ay may kaugalian na aking mapapalaya ang isa sa inyo sa Araw ng Paglagpas. Nais nga ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?”40 Kaya silang lahat ay muling sumigaw na sinasabi, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas!” Ngunit si Barabas ay isang tulisan.