1 At nangyari nang dumagsa ang napakaraming tao kay Jesus upang makinig ng salita ng Diyos, siya naman ay tumayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
Luke 5
1 At nangyari nang dumagsa ang napakaraming tao kay Jesus upang makinig ng salita ng Diyos, siya naman ay tumayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.2 At siya ay nakakita ng dalawang bangkang nakadaong na sa tabi ng lawa, ngunit ang mga mangingisda ay nakababa na mula roon at nagbabanlaw ng mga lambat.3 At siya ay sumakay sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at ipinakiusap niya sa kaniya na ilayo ng kaunti sa baybayin ang bangka. At siya ay umupo, at mula sa bangka ay tinuruan niya ang napakaraming tao.4 At pagkatapos niyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Pumaroon ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para makahuli ng mga isda.”5 At sumagot si Simon na sinabi, “Panginoon, sa magdamag na pagpapagal, wala kaming nahuli. Subalit sa iyong salita ay ihuhulog ko ang lambat.”6 Nang nagawa nila ito, sila ay nakahuli ng lubhang maraming isda at ang lambat nila ay napunit.7 Kaya kinawayan nila ang kanilang kasamahan sa ibang bangka na lumapit upang sila ay tumulong sa kanila. At sila ay lumapit at pinuno nila ang dalawang bangka kung kaya sila ay nagsimula nang lumubog.8 Kaya nang nakita iyon ni Simon Pedro, siya ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na sinasabi, “Panginoon, lumayo ka sa akin sapagkat ako ay isang taong makasalanan.”9 Sinabi niya ito sapagkat siya ay nabalot ng pagkamangha gayundin ang lahat niyang kasama dahil sa napakarami nilang nahuling isda.10 Namangha rin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na kasamahan ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon ay maging mamalakaya ka ng mga tao.”11 Pagkadaong ng mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Matthew 4
18 At habang si Jesus ay naglalakad sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid na sina Simon na tinatawag na Pedro at Andres na kaniyang kapatid, na naghahagis ng lambat sa dagat dahil sila ay mga mangingisda.19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”20 Kaya kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.21 At habang siya ay naglalakad mula roon, nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, sina Santiago na anak ni Zebedeo at Juan na kaniyang kapatid, kasama ang kanilang amang si Zebedeo. Sila ay naghahayuma ng kanilang mga lambat. Sila ay tinawag ni Jesus.22 Kaya kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sila ay sumunod sa kaniya.