5 “At kapag ikaw ay nananalangin, huwag kang maging katulad ng mga mapagkunwari sapagkat gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga daan upang manalangin, nang sa gayon sila ay makita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinatanggap na nila ang kanilang gantimpala.6 Ngunit kapag ikaw ay nananalangin, pumasok ka sa iyong silid at pagkatapos mong isara ang pinto, manalangin ka sa iyong Ama ng palihim at ang iyong Ama na nagmamasid ng palihim ang magbibigay-gantimpala sa iyo nang hayagan.7 At kapag kayo ay nananalangin, huwag ninyong gamitin ang mga paulit-ulit na mga walang kabuluhan katulad ng mga Gentil sapagkat inaakala nila na sa kanilang maraming salita, sila ay pakikinggan.8 “Kaya huwag kayong tumulad sa kanila sapagkat alam na ng inyong Ama kung anu-ano ang inyong mga pangangailangan bago kayo humiling sa kaniya.9 Kaya manalangin kayo sa ganitong paraan: Ama namin na nasa langit, pakabanalin ang pangalan mo.10 Hayaang dumating ang iyong paghahari. Hayaang mangyari ang iyong kalooban kung paano sa langit ay gayundin sa lupa.11 Ibigay mo sa amin sa araw na ito ang pang-araw-araw naming pagkain.12 Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paano rin kami nagpapatawad sa mga nagkakautang sa amin.13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso sa halip ay iligtas mo kami mula sa masama sapagkat sa iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.14 “Dahil kapag nagpatawad kayo sa mga tao sa kanilang mga pagsalangsang, papatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit.15 Ngunit kapag hindi kayo nagpatawad sa mga tao sa kanilang mga pagsalangsang, hindi rin kayo papatawarin ng inyong Ama sa inyong mga pagsalangsang.