1 May isang lalaki sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo. Siya ay isang pinuno ng mga Judio.2 Siya ay pumunta kay Jesus nang gabi at sinabi, “Rabbi, alam namin na ikaw ay guro na pumarito mula sa Diyos sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa maliban na sumasakaniya ang Diyos.”3 Tumugon si Jesus at sinabi sa kaniya, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, maliban na ang sinuman ay ipanganak na muli, hindi niya maaring makita ang paghahari ng Diyos.”4 Itinanong ni Nicodemo sa kaniya, “Papaano maipapanganak ang taong matanda na? Makakapasok pa ba siyang muli sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak?”5 Sumagot si Jesus, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, maliban na ang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa paghahari ng Diyos.6 Ang ipinanganak sa laman ay laman at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu.7 Huwag kang magtaka na sinabi ko sa iyo, ‘Kinakailangang ipanganak kayong muli.’8 Ang hangin ay umiihip kung saan nito ibig. Naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan ito pupunta. Gayundin ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”9 Tumugon si Nicodemo at sinabi sa kaniya, “Papaano mangyayari ang mga bagay na ito?”10 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Ikaw ay guro sa Israel at hindi mo alam ang mga bagay na ito?11 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, ang aming nalalaman ay sinasabi namin. Pinatotohanan namin ang mga nakita namin, ngunit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.12 Yamang sinabi ko sa inyo ang mga bagay na panlupa at hindi ninyo pinaniwalaan, paano kayo maniniwala kung sasabihin ko ang mga makalangit na bagay?