17 At nang kami ay dumating sa Jerusalem, tinanggap kaming may kagalakan ng mga kapatid.18 At kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago at ang lahat ng matatanda ay naroon.19 Pagkatapos niya silang batiin, isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.20 At sila na nakarinig nito ay patuloy na niluluwalhati ang Panginoon at kanilang sinabi sa kaniya, “Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya at lahat sila ay masigasig para sa Kautusan.21 Ibinalita sa kanila ang patungkol sa iyo, na itinuturo mo ang pagtalikod kay Moises sa lahat ng mga Judio na nasa mga bansa, at sinasabi mo na huwag nang tuliin ang kanilang mga anak, ni lumakad ayon sa mga kaugalian.22 Ano kung gayon ang gagawin? Walang alinlangang napakarami ang kailangang magtipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka.23 Kaya gawin mo itong sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili.24 Isama mo sila at dalisayin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang kanilang maipaahit ang kanilang mga ulo at malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan na nila patungkol sa iyo, sa halip ay lumalakad ka nang maayos at iningatan mo mismo ang Kautusan.25 Ngunit patungkol sa mga Gentil na sumampalataya na, sinulatan namin sila na ipinasiyang huwag nilang gawin ang gayong bagay maliban na sila ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa pakikiapid.”