7 At aking nakitang siya'y lumapit sa lalaking tupa, at siya'y nakilos ng pagkagalit laban sa kaniya, at sinaktan ang tupa, at binali ang kaniyang dalawang sungay: at ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatayo sa harap niya; kundi kaniyang ibinuwal sa lupa, at kaniyang niyapakan siya; at walang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kaniyang kamay.8 At ang lalaking kambing ay nagmalaking mainam: at nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali; at kahalili niyao'y lumitaw ang apat na marangal na sungay, sa dako ng apat na hangin ng langit.