Uutiset
| Secondary Keywords | balita ibulong lihim lingkod masama Master payo trabaho |
|---|---|
| Mga Banal na Kasulatan | Luke 121 Sa panahong iyon, nang ang hindi mabilang na napakaraming tao ay nagkakatipon, kung kaya sila ay nagkakatapakan na sa isa't isa, si Jesus ay nagsimulang magsabi, una sa kaniyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo, na ito ay ang pagpapaimbabaw, 2 sapagkat walang anumang natakpan na hindi mahahayag o nakatago na hindi malalaman. 3 Sa halip, anuman ang inyong sabihin sa dilim ay maririnig sa liwanag at anuman ang inyong ibulong sa loob ng mga silid ay mahahayag sa mga bubungan. 4 “At sinasabi ko sa inyo na mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos ng mga ito ay wala nang magagawang anumang higit pa. 5 Ngunit ipapauna kong sasabihin sa inyo kung sino ang inyong katatakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapamahalaang magtapon sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan ninyo siya. 6 “Hindi ba ang limang maya ay ipinagbibili sa halagang dalawang sentimo° at isa man sa kanila ay hindi pinabayaan ng Diyos? 7 Ngunit kahit ang mga buhok ng inyong ulo, ang lahat ay may bilang na. Kaya huwag kayong matakot. Kayo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming maya. 8 “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang maghahayag sa akin sa harap ng mga tao ay ihahayag din naman ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit siya na magkakaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 “At ang bawat isang magsasalita laban sa Anak ng Tao, ito ay ipapatawad sa kaniya, ngunit siya na maglalapastangan laban sa Banal na Espiritu, ito ay hindi ipapatawad. 11 “At kapag kayo ay dadalhin nila sa mga sinagoga at sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapamahalaan, huwag kayong mabalisa kung paano, o ano ang inyong isasagot, o ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang kailangan ninyong sabihin.” 13 At may isang nagsabi sa kaniya mula sa napakaraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na lalaki na hatiin ang mana kasama ako.” 14 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ginoo, sino ang nagtalaga sa akin na maging tagapaghatol o tagapaghati para sa inyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Tingnan ninyo at mag-ingat kayo mula sa kasakiman sapagkat ang buhay ng sinuman ay wala sa kasaganaan ng mga bagay na kaniyang tinatangkilik.” 16 Kaya isinalaysay niya ang isang talinghaga sa kanila na sinasabi, “Ang lupain ng isang mayamang lalaki ay namunga ng sagana. 17 At kaniyang masusing pinag-isipan sa kaniyang sarili na sinasabi, ‘Ano ang maari kong gawin sapagkat wala akong lugar na pag-iimbakan ng mga bunga na inani ko?’ 18 At sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng higit na malaki at doon ko iipunin ang lahat ng aking mga ani at ang aking mga ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, “Kaluluwa ko, ikaw ay nakapag-ipon ng maraming ari-arian para sa maraming taon. Magpahinga ka. Kumain ka. Uminom ka. Magsaya ka.” ’ 20 Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong kaluluwa. Ngunit kanino mapupunta ang mga bagay na iyong inihanda?’ 21 “Ganito ang isang nag-iimpok ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.” 22 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong ibibihis sa inyong katawan. 23 Ang buhay ay higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay higit kaysa sa damit. 24 Pagmasdan ninyong mabuti ang mga uwak sapagkat hindi sila naghahasik, ni hindi sila nag-aani, ni wala silang silid o kamalig, ngunit ang Diyos ang nagpapakain sa kanila. Gaano pa kaya kayo na higit na mahalaga kaysa sa mga ibon? 25 Sino sa inyo na sa pamamagitan ng pagkabalisa ay nakakayanang magdagdag ng isang siko° sa kaniyang tangkad? 26 Kaya yamang hindi ninyo magawa kahit ang pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababalisa sa iba? 27 Unawain ninyong mabuti ang mga liryo kung paano lumalaki na hindi nagpapagal, ni nagsisinulid. Gayunpaman, ako ang nagsasabi sa inyo na kahit si Solomon ay hindi nakapagdamit nang katulad sa isa sa mga ito sa kaniyang buong kaluwalhatian. 28 Kaya yamang dinaramtan ng Diyos ang mga damo na ngayon ay nasa parang at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo, kayo na may maliit na pananampalataya? 29 “Huwag kayong maghanap kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin, ni huwag kayong mag-alala 30 sapagkat ang lahat ng mga bagay na ito ay mahigpit na hinahangad ng mga bansa sa sanlibutan, ngunit alam ng inyong Ama na kinakailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Sa halip ay hanapin ninyo ang paghahari ng Diyos at ang lahat ng mga bagay na ito ay idadagdag sa inyo. 32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ang inyong Ama ay nalulugod na ibigay sa inyo ang paghahari. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik at magbahagi kayo sa mga nangangailangan. Maglaan kayo ng mga lalagyan ng salapi na hindi naluluma, ng kayamanan na hindi nauubos sa langit kung saan ay walang makakalapit na magnanakaw o tanga na sumisira 34 sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din ang inyong puso. 35 “Hayaan ninyo na ang inyong mga balakang ay mabigkisan at ang inyong ilawan ay palaging nagniningas, 36 at kayo ay katulad sa mga taong naghihintay sa kanilang panginoon kung kailan siya babalik mula sa kasalan, na sa kaniyang pagdating at pagkatok, siya ay kaagad nilang mapapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga aliping iyon, na sa pagdating ng panginoon ay matatagpuang nagbabantay. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na bibigkisan niya ang kaniyang sarili at siya ay dudulog sa hapag at sa kaniyang paglapit, siya ay maglilingkod sa kanila. 38 At kung siya ay makarating sa ikalawang pagbabantay, o kung siya ay makarating sa ikatlong pagbabantay at matatagpuan sila sa gayong paraan ay pinagpala ang mga aliping iyon. 39 Ngunit alamin ninyo ito, na kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, nagbantay sana siya at hindi niya pinabayaan na napagnakawan ang kaniyang bahay. 40 Kaya maging handa rin kayo sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaakala.” 41 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin o para rin sa lahat?” 42 Subalit sinabi ng Panginoon, “Kung gayon sino ang matapat at matalinong tagapangasiwa na siyang pamamahalain ng kaniyang panginoon sa sambahayan niya upang bigyan ng pagkaing bahagi nila sa takdang panahon. 43 Pinagpala ang aliping iyon, na sa pagdating ng kaniyang panginoon ay matatagpuang gumagawa nang gayon. 44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya ay kaniyang pamamahalain sa lahat ng kaniyang mga tinatangkilik. 45 Ngunit kapag sasabihin ng aliping iyon sa kaniyang puso, ‘Ipinagpapaliban ng aking panginoon ang kaniyang pagdating,’ kaya magsisimula siya na paluin ang mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae, at upang kumain din at uminom at magpakalasing, 46 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. At siya ay hahatiin at ang kaniyang bahagi ay itatalaga kasama sa mga hindi mananampalataya. 47 At yaong alipin na nakakaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon at hindi naghanda, ni ginawa ang ayon sa kalooban ng kaniyang panginoon ay mahahagupit ng marami. 48 Ngunit siya na hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na nararapat sa mga palo ay mahahagupit ng kaunti. Subalit sa lahat na binigyan ng marami ay hahanapan din siya ng marami, at siya na pinagkatiwalaan ng marami ay lalong marami ang hihingiin sa kaniya. 49 “Ako ay pumarito upang magdala ng apoy sa lupa at ano pa ang nanaisin ko kapag ito ay napadingas na? 50 Ngunit ako ay may bawtismo na ibabawtismo sa akin, at kung paano ako pinahihirapan hanggang sa ito ay maganap. 51 Sa palagay ba ninyo ay naparito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi 52 sapagkat simula ngayon, ang lima na nasa isang sambahayan ay magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi, ang tatlo ay laban sa dalawa at ang dalawa ay laban sa tatlo. 53 Ang ama ay mahihiwalay laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki ay laban sa ama. Ang ina ay laban sa anak na babae at ang anak na babae ay laban sa ina. Ang biyenang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyenang babae.” 54 At sinabi rin niya sa napakaraming tao, “Kapag makita ninyo ang ulap na pumapaitaas mula sa kanluran ay sinasabi ninyo kaagad, ‘Dumarating ang ulan’ at gayon ang nangyayari. 55 At kapag ang hanging habagat ay umiihip, sinasabi ninyo, ‘Magkakaroon ng matinding init’ at ito ay nangyayari. 56 Mga mapagpaimbabaw! Alam na ninyong kilalanin ang anyo ng langit at ng lupa, ngunit paanong hindi ninyo nakikilala ang kapanahunang ito? 57 “At bakit naman sa inyong mga sarili ay hindi ninyo mahatulan kung ano ang matuwid? 58 Sapagkat habang pumupunta ka sa pinuno kasama ng nagsasakdal sa iyo, habang ikaw ay nasa daan pa lang, gumawa ka ng hakbang upang makipagkasundo sa kaniya. Kung hindi, ikaw ay maaari niyang kaladkarin patungo sa hukom at ang hukom ang maghahatid sa iyo sa tanod ng hukuman at ang tanod ng hukuman ang magpapabilanggo sa iyo. 59 Sinasabi ko sa inyo na hinding-hindi ka makakalabas doon hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang lepta°.” |








