11 na nagsasabi, “Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli,” at “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakikita at ipadala sa pitong iglesiya na nasa Asya: sa Efeso, sa Esmirna, sa Pergamos, sa Tiyatira, sa Sardis, sa Filadelfia at sa Laodicea.”12 At ako ay lumingon upang kilalanin ang tinig na nagsalita sa akin. Sa aking paglingon ay nakita ko ang pitong gintong lalagyan ng ilawan,13 at sa gitna ng pitong lalagyan ng ilawan ang katulad sa Anak ng Tao na nakasuot ng kasuotang abot sa paa at nakabigkis ng gintong pamigkis sa bandang mga dibdib.14 Ang kaniyang ulo at ang kaniyang mga buhok ay katulad ng maputing balahibo ng tupa na kasimputi ng niyebe, at ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy.15 Ang kaniyang mga paa ay katulad ng makinang na tanso na tulad ng sinilaban sa pugon, at ang kaniyang tinig ay katulad ng tunog ng maraming tubig.16 Siya ay nagtataglay ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay at mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang matalas na tabak na may dalawang-talim at ang kaniyang mukha ay katulad ng araw na sumisikat ng matindi.