Nuori timoteus
| Secondary Keywords | kasaysayan pahimakas pangkalahatan Paul Timothy Uusi uusi uusi |
|---|---|
| Mga Banal na Kasulatan | Gawa 16 Gawa 18 |
Acts 161 Siya ay dumating sa Derbe at sa Listra, at narito, naroroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo, na anak ng isang babaing Judio na mananampalataya, ngunit ang kaniyang ama ay isang Griyego.2 Siya ay kinikilala ng mga kapatid sa Listra at Iconio na may mabuting patotoo.3 Ninais ni Pablo na siya ay sumama sa kaniya, kaya siya ay kinuha at tinuli niya dahil sa mga Judio na naroroon sa mga dakong iyon sapagkat alam ng lahat na ang kaniyang ama ay isang Griyego.4 At sa paglalakbay nila sa mga lungsod, ang mga batas na napagpasyahan ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusalem ay ibinigay nila sa kanila upang sundin.5 Kaya nga, ang mga iglesiya ay patuloy na tumitibay sa pananampalataya at nadadagdagan ang bilang sa araw-araw.6 At sa kanilang pagdaan sa Frigia at sa lalawigan ng Galacia, sila ay pinagbawalan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita sa lalawigan ng Asya.7 Nang sila ay dumating sa Misia, pinagsikapan nilang magtungo sa Bitinia, ngunit sila ay hindi pinahintulutan ng Banal na Espiritu.8 Ngunit nang sila ay dumaan sa Misia, sila ay bumaba patungo sa Troas.9 At isang pangitain sa gabi ang nakita ni Pablo. May isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayong nagsusumamo sa kaniya at nagsasabi, “Tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo kami.”10 At pagkatapos niyang makita ang pangitain, kaagad naming sinikap na magtungo sa Macedonia dahil nakatitiyak kami na ang Panginoon ang tumawag upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.11 Kaya nang nakapaglayag kami mula sa Troas, kami ay tuwirang naglayag sa Samotracia at sa Neapolis nang sumunod na araw.12 At mula roon ay naglayag kami patungo sa Filipos, na siyang pangunahing lungsod na bahagi ng Macedonia, na sakop ng Roma. At kami ay nanatili ng ilang araw sa lungsod na iyon.13 At sa araw ng Sabat, kami ay pumunta sa labas ng lungsod sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. At habang kami ay nakaupo, kami ay nakipag-usap sa mga babaing nagtipun-tipon doon.14 At may isang babae roon na ang pangalan ay Lydia, isang mangangalakal ng telang kulay ube mula sa lungsod ng Tiyatira, na sumasamba sa Diyos, ang nakikinig sa amin. Ang Panginoon ang nagbukas ng kaniyang puso upang pakinggan ang mga bagay na sinasabi ni Pablo.15 At nang siya at ang kaniyang sambahayan ay nabawtismuhan, nagsumamo siya sa amin na sinasabi, “Kung ibinilang na ninyo akong matapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon.” At siya ay nakiusap sa amin.16 At nangyari na habang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang aliping babae na inaalihan ng espiritu ng panghuhula. Siya ay nagdadala ng malaking kita sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula.17 Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin, at sumisigaw na sinasabi, “Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Sila ang nangangaral sa atin sa daan ng kaligtasan.”18 At ginagawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit si Pablo ay nabagabag at siya ay lumingon, at sinabi niya sa espiritu, “Inuutusan kita, sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kaniya.” At ito ay lumabas sa oras ding iyon.19 Ngunit nang nakita ng kaniyang mga panginoon na wala na ang inaasahan nilang pagkakakitaan, dinakip nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sila patungo sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno.20 Nang naiharap na sila sa mga kapitan, sinabi nila, “Ang mga lalaking ito na mga Judio ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod,21 at sila ay nangangaral ng mga kaugaliang hindi sa atin ipinapahintulot na tanggapin ni gawin bilang mga mamamayan ng Roma.”22 Kaya ang napakaraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila at pinunit ng mga kapitan ang mga damit nila at iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy.23 Pagkatapos silang paluin ng marami, sila ay dinala sa kulungan at ipinagtagubilin sa bantay ng bilangguan na sila ay ingatang mabuti.24 Nang natanggap na nito ang gayong utos, sila ay kaniyang itinulak sa kaloob-looban ng bilangguan at piniit ang kanilang mga paa sa mga pangaw.25 At sa hatinggabi, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno para sa Diyos at ang mga bilanggo ay nakikinig sa kanila.26 At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, kung kaya nayanig ang mga saligan ng bilangguan, at ang lahat ng mga pinto ay kaagad nabuksan, at ang mga gapos ng lahat ay nakalas.27 At nang nagising ang bantay ng bilangguan mula sa pagkakatulog at nakita niyang bukas na ang mga pinto ng kulungan, binunot niya ang kaniyang tabak at tinangkang patayin ang sarili sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo.28 Ngunit si Pablo ay sumigaw nang may malakas na tinig na sinasabi, “Huwag mong gawan ng masama ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.”29 Kaya humingi siya ng mga ilaw, at siya ay nagmadaling pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas.30 At pagkatapos niya silang dalhin sa labas, sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang ako ay maligtas?”31 Kaya sinabi nila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesu-Cristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.”32 At ipinangaral nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at sa kanilang lahat na nasa kaniyang bahay.33 At sa oras din ng gabing iyon, sila ay kaniyang kinuha at hinugasan niya ang kanilang mga sugat. At siya ay kaagad na binawtismuhan gayundin ang kaniyang buong sambahayan.34 Pagkatapos, sila ay kaniyang isinama sa kaniyang bahay, sila ay hinainan niya ng pagkain. At siya ay nagalak kasama ang kaniyang buong sambahayan na sumampalataya na sa Diyos.35 Nang sumapit na ang araw, ang mga kapitan ay nagsugo ng mga sarhento na sinasabi, “Palayain niyo ang mga taong iyon.”36 Ibinalita ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, “Nagsugo ang mga kapitan upang kayo ay palayain. Kaya ngayon, lumabas kayo at humayo kayong may kapayapaan.”37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila, “Hinagupit nila kami nang hayagan na hindi nahatulan at itinapon kami sa bilangguan kahit kami ay mga mamamayan ng Roma, at ngayon ay palihim nila kaming pinapalabas? Hindi maaari! Kinakailangang sila mismo ang pumarito at hayaang sila ang magpalaya sa amin.”38 At isinalaysay ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga kapitan at sila ay natakot nang kanilang narinig na sila ay mga mamamayan ng Roma.39 Kaya nang sila ay dumating, sila ay nagsumamo sa kanila. At nang sila ay kanilang mailabas, kanilang hinihiling na sila ay umalis sa lungsod.40 At sila ay nakalabas mula sa kulungan at nagtungo kina Lydia. At nang nakita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kanilang kalooban at sila ay umalis. Acts 181 At pagkatapos ng mga bagay na ito, nang si Pablo ay umalis mula sa Atenas, siya ay pumunta sa Corinto.2 At natagpuan doon ni Pablo ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking ipinanganak sa Ponto, na kagagaling pa lamang mula sa Italia kasama ang kaniyang asawang si Priscila. Siya ay pumunta sa kanila (sapagkat iniutos ni Claudio na umalis mula sa Roma ang lahat ng mga Judio).3 At dahil magkatulad ang kanilang hanapbuhay, siya ay nanirahang kasama nila at gumawa. Ang kanilang hanapbuhay ay paggawa ng mga tolda.4 At siya ay nakikipagpaliwanagan sa sinagoga tuwing Sabat at hinihimok ang mga Judio at ang mga Griyego.5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, si Pablo ay nagkaroon ng kabigatan sa espiritu at pinapatunayan sa mga Judio na si Jesus ang Cristo.6 Ngunit nang sila mismo ay tumututol at lumalapastangan, ipinagpag niya ang kaniyang mga damit at sinabi sa kanila, “Ang dugo ninyo ay sumainyong ulo. Ako ay walang pananagutan. Mula ngayon ako ay paroroon sa mga Gentil.”7 At nang siya ay nakaalis doon, siya ay pumasok sa bahay ng isang lalaking sumasamba sa Diyos na ang pangalan ay Justo, na ang bahay ay malapit sa sinagoga.8 At si Crispo na pinuno ng sinagoga ay sumampalataya sa Panginoon kasama ng kaniyang buong sambahayan. Marami rin sa mga taga-Corinto ang nakikinig, sila ay sumampalataya at nabawtismuhan.9 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain sa gabi, “Huwag kang matakot, sa halip ay magsalita ka at huwag kang manahimik,10 sapagkat ako ay kasama mo at walang sinumang sasalakay sa iyo upang ikaw ay saktan dahil marami akong tao sa lungsod na ito.”11 Kaya siya ay nanatili roon ng isang taon at anim na buwan na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.12 Ngunit nang si Galio ay namumunong gobernador ng Acaya, ang mga Judio ay nagkaisang tumindig laban kay Pablo at siya ay kanilang dinala sa hukuman,13 na sinasabi, “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao upang sumamba sa Diyos na labag sa Kautusan.”14 Ngunit nang ibinubuka na ni Pablo ang kaniyang bibig, sinabi ni Galio sa mga Judio, “O, mga Judio, kung ito nga ay patungkol sa anumang kapinsalaan o mapanakit na katampalasan, nararapat lamang na pakinggan ko kayo.15 Ngunit kung ito ay pagtatalo patungkol sa salita, sa mga pangalan at sa kautusan na ayon sa inyo, kayo ang sisiyasat nito sa inyong mga sarili sapagkat hindi ko hinahangad na maging tagapaghatol ng mga bagay na ito.”16 Kaya sila ay kaniyang pinaalis mula sa hukuman.17 Nang nadakip ng lahat ng mga Griyego si Sostenes na pinuno ng sinagoga, siya ay pinagpapalo nila sa harapan ng hukuman, ngunit hindi nakialam si Galio sa mga bagay na ito.18 Ngunit si Pablo ay nanatili pa roon ng ilang araw. Pagkatapos niyang magpaalam sa mga kapatid, siya ay naglayag patungong Siria kasama sina Priscila at Aquila. Doon sa Cencrea, ginupit niya ang buhok sa kaniyang ulo dahil siya ay may panata.19 Siya ay dumating sa Efeso at sila ay iniwan niya roon, ngunit siya mismo ay pumasok sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio.20 At kahit na sila ay nakikiusap sa kaniya na manatili pa roon kasama nila, siya ay hindi pumayag.21 Gayunpaman siya ay nagpaalam sa kanila na sinasabi, “Kinakailangang sa anumang paraan ay maipagdiwang ko ang papalapit na kapistahan sa Jerusalem, ngunit babalik akong muli sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya ay naglayag buhat sa Efeso.22 At nang siya ay dumaong sa Cesarea, siya ay umahon at pagkatapos niyang bumati sa iglesiya, siya ay bumaba sa Antioquia.23 Nang nakagugol siya roon ng ilang panahon, siya ay umalis na nililibot ang magkasunod na lalawigan ng Galacia at Frigia, at pinapatatag ang lahat ng mga alagad.24 At dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apollos na ipinanganak sa Alexandria, isang lalaking mahusay magsalita at may kakayahan sa mga Kasulatan.25 Ang lalaking ito ay naturuan na sa Daan ng Panginoon. At yamang siya ay nagniningas sa espiritu, siya ay nagsasalita at nagtuturo nang wastong mga bagay patungkol sa Panginoon, kahit na ang nalalaman lamang niya ay ang bawtismo ni Juan.26 Siya ay nagsimulang magsalita na may buong katapangan sa sinagoga. At nang siya ay narinig nina Aquila at Priscila, siya ay isinama nila at ipinaliwanag nang mas wasto ang Daan ng Panginoon sa kaniya.27 At dahil ninanais niyang dumaan sa Acaya, ang mga kapatid ay sumulat upang hikayatin ang mga alagad na tanggapin siya. Nang siya ay dumating, tumulong siya nang lubos sa mga sumampalataya na sa pamamagitan ng biyaya28 sapagkat may kapangyarihan niyang dinaig ang mga Judio at hayagang pinapatunayan sa pamamagitan ng mga Kasulatan na si Jesus ang Cristo. | |








