1 Nangyari, habang si Apollos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga liblib na dako at dumating sa Efeso. At nang natagpuan niya ang ilang alagad,2 sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo ay sumampalataya?” Ngunit sinabi nila sa kaniya, “Hindi man lang namin narinig kung may Banal na Espiritu.”3 At sinabi niya sa kanila, “Sa ano nga kayo binawtismuhan?” Kaya sinabi nila, “Sa bawtismo ni Juan.”4 Subalit sinabi ni Pablo, “Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi na nagsasabi sa mga tao na sila ay dapat sumampalataya sa kaniya na dumarating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Cristo Jesus.”5 At nang narinig nila ito, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus.6 At nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kanila at sila ay nagsalita ng mga wika at nagpahayag.7 Ang lahat ng mga lalaki ay humigit-kumulang sa labindalawa.8 At siya ay pumasok sa sinagoga at nagsalita ng may katapangan sa loob ng tatlong buwan na ipinapaliwanag at nanghihikayat patungkol sa mga bagay ng paghahari ng Diyos.9 Ngunit nang ang ilang nagmatigas at hindi sumampalataya ay nagsasalita ng masama sa Daan sa harap ng maraming tao, siya ay umalis sa kanila at humiwalay sa mga alagad. At siya ay araw-araw na nakipagpaliwanagan sa paaralan ng isang Tirano.10 At ito ay nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya ang lahat ng mga naninirahan sa Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus, kapwa mga Judio at mga Griyego.