15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong saserdote kaya siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong saserdote.16 Subalit si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Kaya, ang alagad na kilala ng pinakapunong saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tagapagbantay sa pintuan at pinapasok si Pedro.17 Sinabi nga kay Pedro ng aliping babae na tagapagbantay sa pintuan, “Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?” Sinabi niya, “Hindi ako.”18 Ang mga alipin at mga opisyal ay nakatayo roon na nagpabaga ng uling sapagkat malamig noon at pinapainitan nila ang kanilang mga sarili. Si Pedro rin ay nakatayo kasama nila at pinapainitan ang kaniyang sarili.19 Tinanong si Jesus ng pinakapunong saserdote patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang katuruan.20 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay palaging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na palaging pinagtitipunan ng mga Judio at wala akong sinabing lihim.21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Narito, alam nila ang sinabi ko.”22 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa mga opisyal na nakatayo ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya, “Sa ganiyang paraan ka ba sumagot sa pinakapunong saserdote?”23 Sumagot sa kaniya si Jesus, “Kung masama ang aking sinabi, patunayan mo kung ito ay masama, subalit kung mabuti, bakit mo ako hinahampas?”24 Kaya iniutos ni Anas na nakagapos siyang dalhin kay Caifas na pinakapunong saserdote.25 Si Simon Pedro ay nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya, “Hindi ba ikaw rin ay isa sa kaniyang mga alagad?” Ipinagkaila niya ito at sinabi, “Hindi ako!”26 Sinabi ng isa sa mga alipin ng pinakapunong saserdote na kamag-anak niyaong tinigpasan ni Pedro ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan?”27 Kaya muling nagkaila si Pedro at kaagad tumilaok ang tandang.