29 At nangyari, na habang siya ay papalapit sa Betfage at Betania, patungo sa bundok na tinatawag na Bundok ng mga Olibo, sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad,30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa nayon na nasa unahan ninyo. At pagpasok ninyo roon ay matatagpuan ninyo ang isang bisiro na nakatali na hindi pa nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito.31 At kapag may magtatanong sa inyo, ‘Bakit ninyo siya kinalagan?’ Ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, ‘Dahil kailangan ito ng Panginoon.’ ”32 Kaya nang nakaalis ang mga sinugo, natagpuan nila ang ayon sa kaniyang sinabi sa kanila.33 At habang kinakalagan nila ang bisiro, ang mga may-ari nito ay nagsabi sa kanila, “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?”34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”35 At inakay nila ang bisiro patungo kay Jesus at ipinatong nila ng kanilang mga damit sa batang asno at pinasakay nila si Jesus.36 At habang siya ay humahayo, inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan.37 Ngunit nang siya ay papalapit na sa paanan ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming alagad ay nagsimulang magalak na nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na nakita nila,38 na sinasabi, “ ‘Papuri sa hari na dumarating sa pangalan ng Panginoon!’ Awi 118:26 Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”39 At ang ilan sa mga Fariseong mula sa napakaraming tao ay nagsabi sa kaniya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”40 At siya ay sumagot na sinasabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo na kapag ang mga ito ay mapapatahimik, ang mga bato ay sisigaw.”