36 “Kaya alaming may katiyakan ng lahat ng sambayanan ng Israel na ginawa ng Diyos, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Cristo.”37 Nang ito ay kanilang marinig, nabagbag ang kanilang mga puso kaya sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga ginoo at mga kapatid, ano ang aming gagawin?”38 Sinabi nga ni Pedro sa kanila, “Magsisi kayo at hayaang mabawtismuhan ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo patungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu.39 Sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at sa kanilang lahat na mga nasa malayo, gaano man karami ang tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”40 At sa marami pang ibang mga salita, siya ay nagpapatotoo at nagsusumamo na nagsasabi, “Dapat kayong maligtas mula sa likong lahing ito.”41 Kaya nga, sila na may kasiyahang tumanggap ng kaniyang salita ay nabawtismuhan, at naidagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa sa araw na iyon.42 At sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pakikipag-isa, sa pagputol-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.