24 At pagkatapos nila siyang ipako sa krus, pinaghati‑hatian nila ang kaniyang mga damit sa palabunutan, kung alin ang makukuha ng bawat isa.25 Ikatlo na ang oras nang siya ay ipinako nila sa krus.26 At ang nakaukit na nakasulat na paratang sa kaniya ay: ANG HARI NG MGA JUDIO.27 At kasama sa kaniya, ang dalawang tulisan ay kanilang ipinako sa krus, ang isa ay nasa bahaging kanan at ang isa ay nasa bahaging kaliwa niya.28 At naganap ang Kasulatan na nagsasabi, “Siya ay ibinilang sa mga hindi kumikilala sa kautusan.” Isa 53:1229 At siya ay nilapastangan ng mga dumaraan, na iniiling ang kanilang mga ulo at sinasabi, “Aba, ikaw na gigiba ng banal na dako ng templo at sa ikatlong araw ay itatayo ito,30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”31 Gayundin naman, sa pagkutya ng mga punong saserdote kasama ang mga eskriba, sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili.32 Cristo, Hari ng Israel, bumaba ka ngayon mula sa krus upang makita namin at maniwala kami.” At sila na mga kasama niyang ipinako sa krus ay umalipusta sa kaniya.33 Nang dumating ang ikaanim na oras, nagkaroon ng kadiliman sa buong lupain hanggang sa ikasiyam na oras.34 At sa ikasiyam na oras, sumigaw si Jesus na may malakas na tinig na nagsasabi, “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” Ang kahulugan nito ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Awi 22:135 Nang narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, sinabi nila, “Narito, tinatawag niya si Elias.”36 Ngunit nang tumakbo ang isang tao, pinuno niya ng maasim na alak ang isang espongha at inilagay niya sa isang tambo upang ipainom sa kaniya, at nagsabi, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya.”37 At pagkasigaw ni Jesus na may malakas na tinig, nalagutan siya ng hininga.