Oikeudenkäynti
| Secondary Keywords | Herra Hudyo Jeesus Jeesus kaharian katotohanan Lammas malungkot pagpapakasakit pagpapako sa krus Pilato si Barrabas tupa Vapahtaja |
|---|---|
| Tertiary Keywords | kuningas Pasober |
| Mga Banal na Kasulatan | John 1828 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio, ngunit maaga pa noon kaya hindi sila pumasok sa Pretorio nang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Araw ng Paglagpas. 29 Kaya lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?” 30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Kung hindi salarin ang taong ito, hindi na sana namin siya ibinigay sa iyo.” 31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.” Sinabi nga ng mga pinuno ng mga Judio sa kaniya, “Wala kaming karapatang pumatay ng sinuman.” 32 Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang kaniyang ipahayag kung sa anong paraan ng kamatayan siya ay mamamatay. 33 Pumasok ngang muli si Pilato sa Pretorio, tinawag si Jesus at sinabi sa kaniya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” 34 Sumagot sa kaniya si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Ako ba ay isang Judio? Dinala ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga punong saserdote. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang aking paghahari ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay mula sa sanlibutang ito, makikipaglaban sana ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ngayon ang aking paghahari ay hindi rito nagmula.” 37 Kaya nga sinabi ni Pilato sa kaniya, “Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabi na ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at sa dahilang ito ay pumarito ako sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.” 38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Pagkasabi niya nito, muli siyang pumunta sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakikita ni isang kasalanan sa kaniya. 39 Ngunit kayo ay may kaugalian na aking mapapalaya ang isa sa inyo sa Araw ng Paglagpas. Nais nga ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Kaya silang lahat ay muling sumigaw na sinasabi, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas!” Ngunit si Barabas ay isang tulisan. John 191 Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at hinagupit siya. 2 Ang mga kawal ay nagsalapid ng putong na mula sa mga tinik at ipinatong ito sa kaniyang ulo at kanilang sinuotan siya ng balabal na kulay ube. 3 At sinabi nila, “Magalak ka, Hari ng mga Judio!” At siya ay kanilang pinagsasampal. 4 Kaya si Pilato ay muling lumabas at sinabi sa kanila, “Narito, dinadala ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakikita ni isang kasalanan sa kaniya.” 5 Kaya lumabas si Jesus na nakasuot ng putong na tinik at ng balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang lalaki.” 6 Kaya nang namasdan siya ng mga punong saserdote at ng mga opisyal, sila ay sumigaw na sinasabi, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at ipako siya sa krus sapagkat wala akong nakitang kasalanan sa kaniya.” 7 Sumagot sa kaniya ang mga pinuno ng mga Judio, “Kami ay may batas at ayon sa aming batas, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niyang Anak ng Diyos ang kaniyang sarili.” 8 Kaya nang narinig ni Pilato ang salitang ito, lalo siyang natakot. 9 Siya ay muling pumasok sa Pretorio at sinabi kay Jesus, “Saan ka ba nagmula?” Subalit walang isinagot si Jesus sa kaniya. 10 Kaya sinabi ni Pilato sa kaniya, “Wala ka bang sasabihin sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapamahalaang ipapako ka sa krus at ako ay may kapamahalaang palayain ka?” 11 Sumagot si Jesus, “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapamahalaan laban sa akin maliban na ibinigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, ang nagbigay sa akin sa iyo ay may higit na kasalanan.” 12 Mula noon humanap ng paraan si Pilato na mapalaya siya. Subalit ang mga Judio ay sumigaw na sinasabi, “Kung palayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang bawat isa na ginagawang hari ang kaniyang sarili ay nagsasalita laban kay Cesar.” 13 Kaya pagkarinig ni Pilato ng salitang ito, dinala niya si Jesus palabas. Si Pilato ay umupo sa upuan ng hukom sa dakong tinatawag na Pabimento subalit sa Hebreo ay Gabata. 14 Ngunit noon ay Paghahanda sa Araw ng Paglagpas at mag-ikaanim na ang oras. Sinabi niya sa mga Judio, “Narito ang inyong Hari!” 15 Subalit sila ay sumigaw, “Paalisin mo siya! Paalisin mo siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Ang mga punong saserdote ay sumagot, “Wala kaming hari maliban kay Cesar.” 16 Nang magkagayon, ibinigay niya si Jesus sa kanila upang maipako sa krus. Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo. 17 Lumabas siyang pasan-pasan ang kaniyang krus patungo sa tinatawag na Dako ng Bungo, na ang tawag sa wikang Hebreo ay Golgota, 18 sa lugar kung saan siya ay ipinako nila sa krus, kasama niya ang dalawa pa na nasa magkabilang bahagi at si Jesus ang nasa gitna. 19 Subalit si Pilato ay sumulat din ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ang nakasulat ay, SI JESUS NA TAGA-NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. Luke 231 Nang ang kabuuan ng kanilang malaking bilang sa kanila ay tumayo, si Jesus ay dinala nila kay Pilato. 2 At sila ay nagsimula upang paratangan siya na sinasabi, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang bayan at ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar sa pagsasabing siya mismo ang Cristo, ang hari.” 3 At tinanong ni Pilato si Jesus na sinasabi, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At si Jesus ay sumagot sa kaniya na sinasabi, “Ikaw ang nagsabi nito.” 4 Kaya si Pilato ay nagsabi sa mga punong saserdote at sa napakaraming tao, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan ang taong ito.” 5 Ngunit sila ay lalong nagpupumilit na sinasabi, “Inuudyukan niya ang mga tao sa kaniyang pagtuturo sa buong Judea simula sa Galilea hanggang dito.” 6 Nang narinig ni Pilato ang Galilea, itinanong niya kung ang lalaki ay taga-Galilea. 7 At nang nalaman niya na si Jesus ay nagmula sa nasasakupan ni Herodes, siya ay ipinadala niya kay Herodes na nasa Jerusalem din nang mga araw na iyon. 8 Ngunit nang nakita ni Herodes si Jesus, siya ay labis na nagalak sapagkat matagal na niyang ninanais na makita si Jesus dahil maraming bagay na siyang narinig patungkol sa kaniya at umaasa siyang makakita ng ilang tanda na ginagawa niya. 9 At nagtanong si Herodes sa kaniya sa pamamagitan ng maraming pananalita ngunit wala siyang isinagot sa kaniya. 10 Ngunit ang mga punong saserdote at mga eskriba ay tumayo at siya ay marahas nilang pinaparatangan. 11 At kinutya siya ni Herodes at ng kaniyang hukbo at nang siya ay nilibak sa pagpapasuot sa kaniya ng marangyang kasuotan, siya ay muling ipinadala ni Herodes kay Pilato. 12 Kaya sa araw ring iyon ay naging magkaibigan sa isa't isa sina Pilato at Herodes sapagkat sila ay may dating alitan. 13 At pagkatawag ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga pinuno at sa mga tao, 14 sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito bilang isang naglilihis ng landas sa mga tao. Narito, nang siya ay siniyasat ko sa harapan ninyo, wala akong nakitang dahilan upang hatulan ang taong ito ayon sa ipinaparatang ninyo sa kaniya 15 sapagkat pinaahon ko kayo kay Herodes, ngunit narito, kahit si Herodes ay walang ginawa sa kaniya na nararapat sa kamatayan. 16 Kaya pagkatapos ko siyang parusahan, siya ay palalayain ko” 17 (sapagkat kinakailangang may isang palalayain sa kanila si Pilato tuwing araw ng kapistahan.) 18 Ngunit sila ay sabay-sabay na sumigaw na nagsasabi, “Paalisin mo ang taong ito at palayain sa amin si Barabas.” 19 (Si Barabas ay ipinasok sa bilangguan dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa pagpatay ng tao.) 20 Kaya si Pilato ay muling nagsalita sa kanila dahil sa pagnanais niyang palayain si Jesus. 21 Ngunit sila ay sumigaw na sinasabi, “Ipako mo siya sa krus, ipako mo siya sa krus!” 22 At sa ikatlong pagkakataon ay sinabi niya sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang nagawa ng taong ito? Wala akong anumang nakita sa kaniya na dahilan upang hatulan siya ng kamatayan. Kaya pagkatapos ko siyang parusahan, siya ay palalayain ko.” 23 Ngunit, sa pamamagitan ng malakas na tinig, sila ay nagpupumilit upang hilingin na siya ay ipako sa krus. At ang tinig nila at ng mga punong saserdote ay nanaig. 24 At si Pilato ay nagbigay ng hatol upang mangyari ang kahilingan nila. 25 At kaniyang pinalaya sa kanila yaong hinihiling nila na ipinasok sa bilangguan dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Ngunit si Jesus ay ibinigay niya sa kanilang kagustuhan. 26 At habang si Jesus ay dinadala nilang palayo, kinuha nila ang isang nagngangalang Simon na taga-Cerene na nanggaling sa bukid, at ipinatong nila sa kaniya ang krus upang pasanin niya ito na nakasunod kay Jesus. 27 At sumusunod kay Jesus ang malaking bilang ng napakaraming tao at sa mga kababaihan na tumatangis din at nanaghoy sa kaniya. 28 Ngunit si Jesus ay lumingon at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag kayong tumangis para sa akin. Gayunpaman, tumangis kayo para sa inyong mga sarili at para sa inyong mga anak. 29 Narito, dahil ang mga araw ay darating kung saan ay sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunan na hindi nagdalang-tao at ang mga suso na hindi nasusuhan!’ 30 Sa panahong iyon, sila ay magsisimulang ‘magsabi sa mga bundok, “Bagsakan ninyo kami!” at sa mga burol, “Tabunan ninyo kami!” ’ Ose 10:8 31 Dahil kung ginagawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari sa tuyo?” 32 At mayroon ding dalawang salarin na dinalang kasama ni Jesus upang patayin. 33 At nang sila ay dumating sa dakong tinatawag na Bungo, doon siya ay kanilang ipinako sa krus at ang mga salarin, ang isa nga ay sa bahaging kanan at ang isa ay sa bahaging kaliwa. 34 At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” At sila ay nagpalabunutan sa pagbaha-bahagi ng kaniyang mga kasuotan. 35 At ang mga tao ay nakatayo na nagmamasid. At ang mga pinunong kasama nila ay tumutuya rin sa kaniya na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba. Hayaan siyang iligtas niya ang kaniyang sarili kung siya ang Cristo na pinili ng Diyos.” 36 At nilibak din siya ng mga kawal. Sila ay lumapit at iniaalok ang maasim na alak sa kaniya 37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 At sa itaas niya ay mayroon ding nakasulat sa mga titik ng Griyego at sa Latin at sa Hebreo: ITO ANG HARI NG MGA JUDIO. Mark 151 Kinaumagahan, ang mga punong saserdote ay kaagad bumuo ng sanggunian, kasama ang matatanda at ang mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Pagkagapos nila kay Jesus, siya ay dinala nila at ibinigay kay Pilato. 2 At si Pilato ay nagtanong sa kaniya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Ngunit nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kaniya, “Ikaw ang nagsasabi.” 3 At ang mga punong saserdote ay nagparatang sa kaniya ng maraming bagay ngunit wala siyang isinagot. 4 Kaya si Pilato ay muling nagtanong sa kaniya na sinasabi, “Wala ka bang isinasagot na anuman? Tingnan mo kung gaano karami ang ipinaparatang nila laban sa iyo” 5 Ngunit si Jesus ay wala pa ring anumang isinagot upang mamangha si Pilato. 6 Subalit ayon sa kaugalian ng pista, siya ay magpapalaya sa kanila ng isang bilanggo, sinuman ang kanilang hilingin. 7 At may isang lalaki na tinatawag na Barabas. Siya ay nakabilanggo kasama ang mga manghihimagsik na mga nakapatay sa isang pag-aalsa. 8 Nang sumigaw ang napakaraming tao, nagsimula silang humiling kay Pilato na gawin ang ayon sa palagi niyang ginagawa para sa kanila. 9 Ngunit sumagot si Pilato sa kanila na sinasabi, “Ibig ba ninyong palalayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat alam niya na dahil sa inggit, si Jesus ay dinala ng mga punong saserdote sa kaniya. 11 Ngunit inudyukan ng mga punong saserdote ang napakaraming tao, na sa halip ay si Barabas ang mapalaya para sa kanila. 12 Subalit nang sumagot si Pilato, muli niyang sinabi sa kanila, “Ano ngayon ang ibig ninyong gawin ko sa kaniya na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 At muli silang sumigaw, “Ipako siya sa krus!” 14 At sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ang masama na kaniyang ginawa?” Subalit lalo pa silang sumigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Kaya sa pagnanais ni Pilato na mabigyang-lugod ang napakaraming tao, pinalaya niya si Barabas sa kanila at ibinigay niya si Jesus sa kanila pagkatapos niyang hagupitin, upang siya ay maipako sa krus. 16 Kaya dinala siya ng mga kawal sa loob ng bulwagan na tinatawag na Pretorio at tinawag nilang magtipon ang buong batalyon. 17 At siya ay dinamitan nila ng kulay ube at ipinutong nila sa kaniyang ulo ang nakatirintas na putong na tinik. 18 At sila ay nagsimulang bumati sa kaniya na sinasabi, “Magalak ka, Hari ng mga Judio!” 19 At siya ay kanilang hinampas ng tambo sa ulo at dinuraan siya, at sa kanilang pagluhod, siya ay sinamba nila. 20 At pagkatapos nila siyang kutyain, hinubad nila sa kaniya ang kulay ubeng damit at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit. At siya ay kanilang dinala palabas upang ipako sa krus. 21 At pagdaan ni Simon na taga-Cerene na dumating galing sa kaniyang bukid, siya ay pinilit nilang magbuhat ng krus ni Jesus. Siya ay ama nina Alejandro at Rufo. 22 At dinala nila si Jesus sa dako ng Golgota na ang kahulugan ay Dako ng Bungo. 23 At siya ay binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira upang kaniyang inumin, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At pagkatapos nila siyang ipako sa krus, pinaghati‑hatian nila ang kaniyang mga damit sa palabunutan, kung alin ang makukuha ng bawat isa. 25 Ikatlo na ang oras nang siya ay ipinako nila sa krus. 26 At ang nakaukit na nakasulat na paratang sa kaniya ay: ANG HARI NG MGA JUDIO. Matthew 2711 Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador at siya ay tinanong ng gobernador na sinasabi, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Ikaw ang nagsasabi.” 12 At nang siya ay pinaparatangan ng mga punong saserdote at ng matatanda, siya ay walang isinagot. 13 Kaya sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?” 14 At si Jesus ay hindi sumagot sa kaniya ng kahit isang salita, kung kaya ang gobernador ay labis na namangha. 15 Ngunit tuwing kapistahan ay kinaugalian na ng gobernador na magpalaya sa napakaraming tao ng isang bilanggo na ninanais nila. 16 At sa panahong iyon ay mayroon silang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas. 17 Kaya nang sila ay nagkatipon, sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ninanais ninyo na palayain para sa inyo? Si Barabas ba o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sapagkat alam niya na dahil sa inggit ay ipinagkanulo nila si Jesus. 19 Ngunit habang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, nagsugo para sa kaniya ang kaniyang asawa na nagsasabi, “Huwag mo ng pakialaman pa ang matuwid na iyan sapagkat labis akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa kaniya.” 20 Subalit hinikayat ng mga punong saserdote at ng matatanda ang napakaraming tao upang kanilang hilingin si Barabas at si Jesus ay kanilang ipapapatay. 21 Sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang ninanais ninyo na aking palalayain para sa inyo?” At sinabi nila, “Si Barabas!” 22 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Ang lahat ay nagsabi sa kaniya, “Ipako siya sa krus!” 23 At sumagot ang gobernador, “Bakit, ano ang ginawa niyang masama?” Ngunit sila ay lalong sumigaw na sinasabi, “Ipako siya sa krus!” 24 Subalit nang nakita ni Pilato na wala itong idinudulot na kabutihan at sa halip ay nagsisimula na ang kaguluhan, siya ay kumuha ng tubig at naghugas ng mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, “Ako ay walang sala sa dugo ng matuwid na taong ito. Makikita rin ninyo.” 25 Kaya ang lahat ng mga tao ay sumagot at nagsabi, “Ang kaniyang dugo ay mapasaamin at sa aming mga anak.” 26 Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas at pagkahagupit niya kay Jesus, siya ay ibinigay niya upang ipapako siya sa krus. 27 Kaya si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at nagkatipon sa kaniya ang buong batalyon ng mga kawal. 28 At nang siya ay kanilang hinubaran, siya ay kanilang sinuotan ng isang balabal na kulay ube. 29 At pagkatapos nilang magsalapid ng isang putong na tinik, inilagay nila ito sa kaniyang ulo at isang tambo sa kaniyang kanang kamay. At sila ay lumuhod sa harap ni Jesus at siya ay kinutya na sinasabi, “Pagbati, ang Hari ng mga Judio!” 30 At siya ay kanilang dinuraan, at kinuha nila ang tambo at inihampas nila sa kaniyang ulo. 31 At pagkatapos nila siyang kutyain, hinubad nila sa kaniya ang balabal at isinuot nila sa kaniya ang kaniyang damit at siya ay inilayo nila upang ipako sa krus. 32 Habang sila ay papalabas, natagpuan nila ang isang lalaking taga-Cerene na ang pangalan ay Simon. Siya ay pinilit nila upang ipapasan sa kaniya ang krus ni Jesus. 33 At nang sila ay dumating sa dako na tinatawag na Golgota na ang ibig sabihin ay Dako ng Bungo, 34 si Jesus ay binigyan nila ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin, ngunit nang ito ay natikman niya, ito ay ayaw niyang inumin. 35 At nang siya ay naipako na nila sa krus, kanilang pinaghati-hatian ang kaniyang damit sa pamamagitan ng palabunutan upang matupad ang sinabi ng propeta, “Pinaghati-hatian nila ang aking damit para sa kanilang sarili at pinagpalabunutan nila ang aking kasuotan.” Awi 22:18 36 At sila ay nakaupo habang siya ay binantayan nila roon. 37 At inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya na nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. |