1 At sa pagtatapos ng araw ng Sabat, nang mag-uumaga na sa unang araw ng linggo, si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay pumunta upang tingnan ang puntod.2 At narito, nagkaroon ng malakas na lindol sapagkat ang isang anghel ng Panginoon ay bumaba mula sa langit at siya ay dumating at iginulong ang bato mula sa pintuan ng libingan at siya ay umupo sa ibabaw nito.3 Ang kaniyang anyo ay katulad ng kidlat at ang kaniyang damit ay maputi na parang niyebe.4 At sa takot ng mga nagbabantay, sila ay nanginig at naging parang mga patay.5 At ang anghel ay sumagot at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot sapagkat alam ko na ang hinahanap ninyo ay si Jesus na siyang ipinako sa krus.6 Wala siya rito sapagkat siya ay binangon ayon sa kaniyang sinabi. Halikayo, tingnan ninyo ang dako kung saan inihimlay ang Panginoon,7 at magmadali kayong pumunta at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad na siya ay binangon mula sa mga patay. At narito, siya ay mauuna sa inyo patungo sa Galilea. Siya ay makikita ninyo roon. Narito, sinabi ko na sa inyo.”8 Kaya sila ay nagmadaling umalis mula sa libingan, na may takot at malaking kagalakan at sila ay tumakbo upang ibalita sa kaniyang mga alagad.9 At habang sila ay nasa daan upang balitaan ang kaniyang mga alagad, narito, sinalubong sila ni Jesus na sinasabi, “Magalak kayo.” At sila ay lumapit at hinawakan ang kaniyang mga paa at siya ay sinamba nila.10 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at ibalita ninyo sa aking mga kapatid upang sila ay makapunta sa Galilea at ako ay makikita nila roon.”11 At habang sila ay papaalis, narito, ang ilan sa mga bantay ay pumunta patungo sa lungsod at ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng mga nangyari.12 At nang sila ay nakapagtipon kasama ang matatanda at nang sila ay nakapagdaos ng sanggunian, sila ay nagbigay ng maraming salapi sa mga kawal,13 na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kaniyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya ay ninakaw nila habang kami ay natutulog.’14 At kapag ito ay makarating sa pandinig ng gobernador, hihikayatin namin siya at titiyakin namin na wala kayong alalahanin.”15 Kaya kanilang kinuha ang mga piraso ng salapi at ginawa nila ang ayon sa itinuro sa kanila. At ang pananalitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.16 Ang labing-isang mga alagad nga ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinakda sa kanila ni Jesus.17 At nang siya ay nakita nila, siya ay sinamba nila ngunit ang iba ay nag-alinlangan.18 At si Jesus ay lumapit at nagsalita sa kanila na sinasabi, “Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa ay ibinigay sa akin.19 Kaya sa inyong paghayo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na binabawtismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu,20 na tinuturuan silang ganapin ang lahat ng mga bagay, anuman ang aking iniutos sa inyo. At narito, ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito.” Siya nawa!