31 At sinabi ng Panginoon, “Simon, Simon, narito, kayo ay hinihingi ni Satanas na mapasakaniya upang salain katulad ng trigo.32 Subalit ako ay nagsumamo para sa iyo upang huwag manghina ang iyong pananampalataya, at sa iyong panunumbalik, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”33 Ngunit sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, ako ay nakahanda ring mabilanggo at mamatay kasama mo.”34 Subalit sinabi ni Jesus, “Pedro, sinasabi ko sa iyo, ang tandang ay hinding-hindi titilaok sa araw na ito bago mo ipagkakaila nang tatlong ulit na kilala mo ako.”
Luke 22
54 At nang siya ay kanilang hinuli, siya ay isinama nila sa bahay ng pinakapunong saserdote, at si Pedro ay sumusunod na may kalayuan.55 At pagkatapos ng kanilang pagsiga sa gitna ng patyo at sama-samang pag-upo, si Pedro ay umupo sa kalagitnaan nila.56 Ngunit isang utusang babae ang nakakita kay Pedro na nakaupong malapit sa apoy. Siya ay tumitig kay Pedro at sinabi, “Ang isa ring ito ay kasama niya.”57 At ipinagkaila ni Pedro si Jesus, na sinasabi, “Ginang, hindi ko siya kilala.”58 At pagkalipas ng ilang sandali, may isa pang nakakita sa kaniya at sinabi, “Ikaw rin ay kasama nila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako kasama.”59 At pagkalipas nang halos isang oras, may isang mariing nagsalita na sinasabi, “Totoo na ang isa ring ito ay kasama niya sapagkat siya rin ay taga-Galilea.”60 Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” At habang siya ay nagsasalita pa, ang tandang ay tumilaok kaagad.61 At nang lumingon ang Panginoon, tiningnan niya si Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon katulad ng sinabi niya sa kaniya, “Bago tumilaok ang tandang, ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”62 At nang si Pedro ay lumabas, siya ay tumangis nang buong pait.